(orihinal na sinulat noong Ika-17 ng Hulyo)
Nung may araw na maulan.
Hindi ko alam kung bakit ba may dalang nakaka-something na epekto ang paligid kapag maulan. Tinatamad pa nga akong pumasok nun. Pero nung nakapagbihis na ko, at papaalis na, namigay na naman ako ng libreng ngiti sa bawat taong makasalubong ko ng umagang iyon.
May iniisip ako. Palagi naman e. Kahit nasa jeep lang, sumasabay ng pagtakbo ang isip ko. Mas malayo pa nga ang nararating nito.
Ugali ko na yung hindi agad magbabayad sa jeep. Pag malapit na bumaba, saka lang ako nagbabayad. Nakasanayan ko na kasing maisip na baka masiraan bigla yung jeep. Tapos papababain kame at papalipatin sa iba. Edi nakalibre o nakatipid na ako. At madami pang kung anu-anong senaryo na nalalakbay ng utak ko. Basta yon.
Pababa na ako. Alam kong wala sa bulsa ko yung pitaka ko. Nasa bag ko kase yun. Kinapa at hinanap ko ng maigi, pero wala pala talaga. Nagpalit nga pala ako ng bag nung gabi. Di ko yata na nalagay sa pinalit na bag ko yun.
Wala talaga akong maipambabayad dun sa jeep. Inubos ko na lang muna yung konteng sakay na pasahero sabay kinapalan ko na lang yung mukha ko at nagsabi na naiwan ko pala yung pitaka ko. Kilala ko naman kase yung drayber, schoolmate ko ata yun nuon. Fourth year sya tapos 1st year ako, kaya kilala ko sa mukha. Sabi nya, ayos lang naman daw. Sabi ko naman, babayaran ko na lang pag nagkrus muli ang landas namin.
E ang problema pa, may isa pa akong pagsakay na dapat gawin bago makadating sa school, tapos pwede na ako mangutang sa mga kolektib ko ng panggastos.
May barya pa ako sa bulsa, sa bag, wala na, kulang. Tutal medyo maaga pa naman ako nun ng konti e, naisipan ko na lang maghintay ng baka may kakilala o kaklase na makasabay at mauutangan ng sais pesos para sa sampung pisong pamasahe.
Inaalok na ako nung taga singil ng pamasahe na sumakay na daw ako, sabi ko naman, wala akong pamasahe, naiwan ko wallet ko.
Hinanap ko yung stand ng tindahan ni Nanay. Dun ako sana hihiram ng sais pesos at mamaya ko na pag uwi papalitan. Kay nanay kasi ako dati lagi bumibili ng meryenda kapag uuwi ako kaya, parang nagkakilala na din kami, hindi nga lang sa pangalan. Sa kasamaang palad, tanging plywood na may nakasulat na “Bawal na ang magtinda dito.” in all-caps, ang nagpakita sa akin. Wala na.
Dalawang jeep na ata yung napalampas ko na napuno. Malapit na din akong ma-late. Dun sa pangatlong jeep, nagsabi na ako, kung pwedeng kwatro lang muna ang ibayad ko, babayaran ko na lang kinabukasan. Pumayag naman.
Nakapasok na ako at binigyan na ako ng baon ng mga lektib ko. Kinabukasan, binayaran ko na yung utang ko na sais kay manong. Di na ako natandaan ni manong maniningil.
Ilang linggo din ang nakalipas, bago ako nakasakay uli dun sa jeep na yon. Pagkasakay ko palang e nagbayad na agad ako ng dalawang bente. Sabi ko, dalawa po yan, yung isa e yung utang ko po noon.
Nagulat si kuya. Parang nabigla din. May ngiti nyang ibinalik saken yung isang bente, sabi nya, wag na daw. Hayaan na lang daw namin yun. Nagpasalamat ako sabay kwento nya sa nakasakay sa tabi nya yung mga nangyari.
Parang ambait ko, at syempre sya din. Napangiti naman ako don.
Nakakatuwa lang isipin na may mga tao pa din pala ngayon na tutulong sayo, kahit di ka kakilala. Kahit na pera pa ang usapan. Di ko alam kung anu ba ang basehan ng pagbibigay ng tulong sa ganung pagkakataon. Siguro ba e nakarisma sila ng mata ko? O sadya lang na mabait sila. Yung iba ngang drayber e parang inagawan ng kendi sa kulang na pisong pamasahe mo.
Siguro ay iba iba nga lang talaga ang tao. Ako, una akong natakot magsabi kay manong kasi baka di ako mapagbigyan, pahiya pa ako. Ngunit mali pala. Dun ko narealize na, may mga bagay na nadadaan pa din sa maayos na pag uusap at pakikiusap.
Ikaw, magkano ang kaya mong ibigay sa hindi mo kakilala? :]
 |
si Manong Drayber |